1. ANG PAHAYAG NG LIPA:
MATINDING PANAWAGAN SA PAMBANSANG PAGBABAGO
Mamamayang Pilipino kami na may iba’t ibang pinagmulang personal, propesyunal,
panlipunan, at pangkabuhayan, paniniwalang pulitikal, at pananampalatayang
panrelihiyon. Nagtipun-tipon kami rito sa Lungsod ng Lipa nitong 27 Agosto A.D. 2014 /
2 Dhu al-Qa’da A.H. 1435, sa ilalim ng pagtaguyod ng Konseho ng Bagong Bansa
(National Transformation Council), upang muling patotohanan ang aming malalim na
paninindiga’t paniniwala tungkol sa pangkalahatang kapakanan at pinakamataas na
pambansang interes, sa harap ng mga napakalubhang hamon.
Inaanyayahan namin ang lahat ng aming mga kababayan sa lahat ng dako na makiisa
sa amin upang muling pagtibayin ang mga paninindiga’t paniniwalang ito.
1
Naniniwala kami na:
Isang krisis na walang kapantay sa lubha’t lawak ang sumapit sa ating bansa.
Ang buhay ng bansa ay lubhang nanganganib mula sa mga pwersang pulitikal
na pangunahing inatasan na ipagtanggol, isulong, at itaguyod ang kapakanan ng
bansa, ngunit sa halip ay masugid na ginigiba ang pundasyong moral,
panrelihiyon, panlipunan, kultural, konstitusyonal, at legal nito.
Ang di-masupil at di-napaparusahang korapsyon at ang laganap na abuso sa
kapangyarihang pulitikal at pang-ekonomiya sa lahat ng antas ng lipunan ay
nagbunga ng pagkasira ng pangmadlang konsepto ng tama at mali, mabuti at
masama, makatararungan at di-makatarungan, legal at ilegal. Dagdag pa, isina-ilalim
nito ang sambayanan, laluna ang mga mahihirap, sa anumang kagustuhan
ng mga maykapangyarihan na dikatahan ang patunguhan at pamamaraan ng
ating diumano’y kaunlaran para lamang sa kanilang makasariling layunin.
Ang kasalukuyang pangulong si Benigno Simeon Aquino III, sa halip na
pangalagaan at ipagtanggol ang Saligang Batas, alinsunod sa pinanumpaan niya
nang balikatin niya ang kanyang tungkulin, ay pinahina at sinuway ito sa
pamamagintan ng pagbuyo sa Konggreso sa korapsyon, panunupil sa
Hudikatura, pangungulimbat sa kaban ng bayan, pagmamanipula sa
awtomatisadong sistema ng pagboto, at pagbaluktot sa proseso ng impeachment
na nasasaad sa Saligang Batas.
2. Pininsala rin ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang moralidad ng lipunang
Pilipino sa pamamagitan ng panunuhol sa mga kasapi ng Konggreso hindi
lamang upang patalsikin at alisin ang isang nakaluklok na Punong Hukom ng
Korte Suprema, kundi pati upang gumawa rin ng batas na kapos sa respeto sa
karapatan sa buhay ng bawat tao sa pinakamaaga at pinakamaselan na yugto
ng kanyang buhay. Ito ay pagsuway hindi lamang sa Saligang Batas, kundi higit
sa lahat, ng batas ng moralidad, kaugalian, kultura at konsiyensya ng Pilipino.
Sa gayon, tapat sa tunay at panlahatang batas ng moralidad at sa pangkalahatang
iginagalang na prinsipyo ng Saligang Batas na nagsasaad na ang kataastaasang
kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng
awtoridad ng gobyerno, ipinahahayag namin na nawalan na si Pangulong Benigno
Simeon Aquino III ng karapatang moral upang pangunahan ang bansa, at naging
panganib siya sa estadong Pilipinong demokratiko at republikano, at panganib din sa
kapayapaan, kalayaan, seguridad, at kapakanang moral at espirituwal ng sambayanang
Pilipino.
Ipinapahayag din namin na naglaho na ang lahat ng tiwala at kumpiyansa namin kay
Pangulong Benigno Simeon Aquino III, at nananawagan kami sa kanya na magbitiw
agad sa kanyang tungkulin.
At nananawagan kami sa Konseho ng Bagong Bansa (na mula ngayo’y tataguriang
Konseho) na balikatin ang agaran at kinakailangang gawain na pagpapanumbalik ng
ating mga napinsalang institusyong pulitikal sa dati nilang katayuan at anyo bago pa
man simulan nating isiping maghalal ng isang bagong pamahalaan sa loob ng normal
na kalagayang pulitikal.
Ang tungkulin ng Konseho ay hindi halinhan si Pangulong Aquino, kundi hadlangan ang
ganap na pagkawasak ng ating sistemang pulitikal, at muling itindig at pangalagaan at
palusugin ang mga institusyon nito upang sa hinaharap ang lahat ng may pagnanais ay
maaring lumahok sa paligsahang pulitikal na walang pag-aalinlangan sa katapatan at
katinuan nito.
Waring mga tripulante ng isang sasakyang panghimpapawid na naatasang kumpunihin
ito matapos magkaroon ng problema habang lumilipad sa himpapawid, bago payagan
na muling pumaimbulong ito, ang tungkulin ng Konseho ay isaayos lamang ang
napinsalang tatluhang sistema (tripartite system) ng gobyerno at tiyakin na ang mga
2
3. mamamayan ay maaari nang muling maghalal ng sarili nilang mga pinuno nang malaya
at matalino.
Kaugnay nito, tinatanggap namin nang malugod ang panukala ng Konseho na simulan
ang mga malawakang pagsangguni sa taumbayan hinggil sa pangangailangang bigyan
ng panibagong-ayos at patatagin ang sistemang presidenyal o kaya naman, ang
paglipat mula sa sistemang unitaryo / presidenyal tungo sa sistemang federal /
parlamentaryo, at ang pagkaloob sa sistemang ito ng sumusunod na mga sangkap at
katangian:
1) ganap na malayang sangay - hudikatura, na ligtas sa anumang pananakot o
pamumuwersa mula sa panig ng sangay – ehekutibo o sangay – lehislatura,
at taglay ang sapat na kapangyarihan, pondo at kagamitan upang tapusin
ang lahat na nakabinbing kaso sa mga korte at pabilisin ang pagproseso sa
lahat ng mga kaso;
2) propersyonal na serbisyong sibil at militar na pinangagasiwaan ayon sa
pamantayan ng kahusayan o merito;
3) hayag, malinaw at tapat na sistema at pamamaraan ng gobyerno sa
pagbabadyet, pangangalap, pagbabayad, pagtutuos, at pag-awdit
4) walang-maipupunang malaya at ganap na mapananaligang sistema ng
halalan, na ligtas sa katiwalian at pandarayang puminsala sa awtomatisadong
sistema ng halalan mula noong 2010.
Anuman ang anyo ng gobyerno na mapapagpasiyahang pagtibayin ng mga
mamamayan, hindi mapasubaliang nararapat na taglay ang integridad at kalayaaan ng
mga korte, at ang sistema ng halalan na walang bahid ng korapsyon, kung papaano
tayo, ang sambayanan, ay malaya at matalinong makapipili ng sarili nating mga pinuno
sa malalaya at tapat na halalan. Kung wala ang mga ito, hindi natin maaaring sabihin
na may gobyernong demokratiko at republikano na tumatakbo nang normal.
Samakatuwid, lubos naming itinataguyod ang panindigan ng Konseho na hanggang
hindi natin nakakamtan itong ating nilulunggating sistema ng halalan na ligtas sa
pandaraya, dapat nating iwasan ang pagkakaroon ng baligho at huwad na halalan.
Subalit kapag nakamtan na natin ang sistema ng halalan na ligtas sa pandaraya, dapat
nating himukin ang mga pinakakarapat-dapat na taumbayan sa bansa na lumahok sa
3
4. isang bukas na sistema ng halalan upang sama-sama nating mabigyang-wakas ang
mahigpit na hawak ng mga korap at inutil na dinastiyang pulitikal sa mga halalan.
Sa wakas, sinusuportahan namin ang panukala ng Konseho na kasabay ng mga
repormang pulitikal, kinakailang maisakatuparan din ang malawakang repormang pang-ekonomiya.
Sa iisang tinig, kinakailangan na nating malakas na isigaw ang "Hindi ,"
tulad ng mungkahi ni Papa Francisco, sa isang sistema ng ekonomiya na batbat ng
pag-isantabi at kawalan ng pagkakapantay, na bunga ng isang baluktot na pananaw
hinggil sa tao at lipunan, na mapinsalang isinasagawa sa pamamagitan ng mga batas,
patakaran, at programang resulta ng kakitiran ng isip.
Habang inihahanda ng Konseho ang pagsasakatuparan ng mga repormang
kinakailangan, nananawagan kami sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, bilang
“tagapagtanggol ng sambayanan at ng estado” ayon sa Saligang Batas, na
pagkalooban ng proteksyon ang Konseho, at huwag payagang pagamit sa anumang
paraan na hadlangan ang tungkulin ng Konseho na transisyunal at walang kinikilingang
partido, at huwag pahintulutan ang anumang armadong grupo na maghasik ng dahas,
kaguluhan, o hidwaan sa mapayapang hanay nito.
Pinagtibay sa Lungsod ng Lipa, ngayong ika-27 ng Agosto A.D. 2014 / ika-2 ng Dhu-Al-
Qa’da A.H. 1435.
4